Natatapos din ang ulan

 

Ito ang klase ng ulan

Na lamig at lungkot ang iniiwan

Baha at basura sa daan

Paa’y pinuputikan.

 

Ito ang klase ng ulan

Na hindi mo mapipigilan

Basta na lang bumabagsak

Bumabasa sa unan.

 

Pero ito’y natatapos din

Nakakagaan ng damdamin

Ang tubig na dumadaloy

Lungkot ay inaagos

 

Sapagkat sa bawat ulan

May darating na katapusan

Ang dilim at ulap ay mahahawi

At papalit ang ngiti

 

Babaunin mo ang mga natutunan

Gaano man kasakit ang pinagdaanan

Na sa lamig, may apoy na nag-iinit

Mula sa sarili, sa puso,

Sariling ligaya makakamit.

Advertisements

Balik Probinsya: Ang Paglalakbay

Ang dami kong baong kwento. Kaya sisimulan ko muna sa pagsisimula ng byahe ko papunta pabalik sa probinsya ko (Leyte).

October 31 9:15pm

Dumating ako sa pier 3 ng Cebu. Inihanda ko na ang sarili ko na makipagsiksikan at pumila ng matagal dahil sa inaasahang dagsa ng mga uuwi para sa undas. Medyo late na ako dumating sa lagay na ito. Paano ba naman eh naaliw pa ako sa panonood ng House.

10pm ang alis ng barko. Nangangamoy late na si RD. Kaya ayun, wala ng tao. Nakasakay na sila lahat? Oo. Malamang excited. Mas excited kesa sakin. Siguro eh mas maraming bus yata ang humakot ng pasahero at umalis na rin ang ibang barko papunta sa ibang probinsya. Basta, na amaze lang talaga ko sa luwang ng terminal. Sana ganito palagi. The Benefits of Coming Late. akalain mo yun!

Nakaakyat na ako sa barko. Bed 314, malapit sa CR. Pft! hindi ko na makuhang matulog agad sa dami pala ng pasahero. Inaliw ko ang sarili ko sa paligid.

Katabi ko sa kabilang higaan ang mag-ina. Isang 35+ na ginang at anak na wala pang isang taong gulang. Dumedede ang bata. Breastfed. Ngayon ay hindi na ako makalingon bandang kanan dahil sa tanawin.

Sa may ulohan ko ay isang studyante. Ayon sa tshirt nya, architecture ang kurso mula sa isang kilalang engineering school sa Cebu. Cute sya. Smiling. Kausap nya ang katabing kapwa pasahero. Eavesdropping mode agad. hahaha 😀 Kunwari tulog o may katext.

Chance passengers pala ang dalawang ito. Galing nag-enrol si Miss Future Architect. Kasambahay si ate. Tanong ng tanong si Miss Future Arch, kwento ng kwento ang kasambahay. Para tuloy akong nakikinig ng programa sa radyo at konti nalang ay mamimigay na ng tulong si Miss Arch kay ate. MMK / Wish ko Lang ang trip neto.

Naawa ako ky Miss Arch. Uupo lang siya buong magdamag. At dahil lagpas dibdib ang pagiging gentleman ko…

in-offer ko yung bed ko sa kanya.

.

.

.

.

.

Sa panaginip ko.

 

Tinulog ko na lang ang konsensya. Baka mag-isip siya ng kung ano. Sayang din ang ibinayad ko.

___________________

Naka-text ko rin ulit si Sam. Insomniac din kasi siya. Mga kulitan lang. Usapin tungkol sa pag-ibig. Ako na yata ang kanyang ‘Papa Jack’. Tiga-advice. yung tipong hindi naman talaga niya seseryosohin yung advice. Gusto lang ng pampalipas-oras. At hingahan ng hinaing.

At heto ang pasampol sa ilang mga linyang nag rhyme.

Madali naman siguro,

kung talagang totoo.

-RD

Heto pa ang isang tungkol sa pag-ibig at relasyon.

Hindi na lang talaga  magpapa-alangan

Kung hindi rin lang pang ‘walang hanggan’.

-RD

May linya din daw siya (para sa akin?) pero ayaw nyang i text. Abangan ko na lang daw sa FB. ipo-post niya. Binitin pa ako. Kahapon ko lang nabasa.

Kung hindi pa barkada,

Meron sigurong pag-asa.

-Sam

Basag. Nov. 4 lang din niya ipinost. Yun pala yun. Napaisip ako.

 

PS.

Sam, alam mo na ba na ikaw talaga si Sam? 2nd appearance mo na to.

 

Bagong Lapis

 

Gamit ang bagong tasang lapis

Sana’y hindi magmimintis

Palabasin ang mga damdamin

Mga ideya hindi palalampasin

 

Pagkakataong mailathala

Maipahayag ng buong kusa

Walang pilit ipinapamukha

Walang pilit pinapahanga

 

Ngayon ako’y nag-iisa

Tanging notebook at lapis lang ang kasama

Sa silid na tahimik

Hangin ay umiihip