Iiwan mo na ba talaga siya? Pagkatapos ng lahat lahat? Saan ka tutungo? tanong ni Mommy.
Bahala na. Gusto ko ng magpatuloy sa buhay. Mag-move on. Oo, masaya sa piling niya…pero wala ring patutunguhan ang mababaw na relasyon naming ito. May iba siyang pinapahalagahan, may mga pangarap siya, gusto niyang makabangon sa pagkadapa, gusto niyang maging matatag sa hinaharap. At hindi ako kasama sa mga plano nyang iyon. Ayoko nang ipilit pa. Hindi na mainam para sa aming dalawa. Babaunin ko na lang ang aming alaala.
Kuntento na ako na masaya sya. Sana.
_____________
Nakakapanghinayang. Mahigit isang taon din ang aming naging samahan. Naibahagi namin ang mga masasayang alaala, mga nakapanlulumong sitwasyon, at nabago namin ang isa’t isa. Dinamayan ko siya sa oras na kailangan niya ng kaibigang iintindi sa sitwasyon niya. Naroon lamang ako para magbigay lakas-loob, suporta. Tanging ang presensya ko lang ay sapat na. Yun ang akala ko nung una.
Nagkalabuan tayo. Hindi mo tinupad ang iyong mga pangako. Nakakawalang-gana. Ibinibigay ko lahat pero sa tuwing magkasama tayo, parang walang kasiguraduhan. May tinatago sa isa’t isa. May mga bagay na pareho nating alam pero ayaw nating pag-usapan. At yun ang lumamon sa relasyon natin. Isang pesteng unti-unting sumira sa anumang nabuo.
Gayunpaman, malaki ang ipinapasalamat ko sa’yo. Ikaw ang nagturo sa akin kung paano ang pakiramdam. Pinaharap mo ako sa katotohanang buhay pa ang aking puso at tumitibok. Ako lang mismo ang ayaw makinig sa dagundong nito. Buti na lang at nariyan ka.
Paalam sa’yo.
P.S. paki-agahan ang separation pay.