Kapag may isinuksok, may ibang mandurukot?
Masinop talaga ako. (Self-acclaimed talaga, hayaan nyo na.) Ebidensya: napupuno ko ang alkansya ko bago pa man mag overdrive ang thrill na buksan (O sungkitin) ang laman. Sige na, maniwala ka na.
Ayun, dahil nga naman may naitatabi talaga akong pera kahit papaano, hindi na rin ako nahuhuli sa mga babayaran. Kahit may surprise na contribution sa skwela o kahit biglang may lakad o may kailangang bilhin para sa project, ayos lang.
Pero isa sa ayoko talaga eh yung may nanghihiram ng pera. Hindi dahil sa ayoko, kundi dahil hindi ako maka-hindi.
Text ng kaibigan:
RD, may pera ka ba? Wala na kasing gatas yung baby ko. Hindi pa nagpapadala ng pera sina mama.
Gusto kong sabihin na “Pasensya na, wala akong pera.” Pero meron naman talaga kaya ang hirap. Napakasama ko naman kapag sinabi ko: Ayan kasi, nagpabuntis ng maaga. Eh ako nga walang lovelife. Magdusa ka ngayon. Pero hindi ako kontrabida. Kaya ayun, bumigay din. Nagreply na lang:
Magkano ba? Paano ko ipapadala? May anak ka na pala hindi ka man lang nagsabi. hahaha successful pala ang transplant ng matres mong babae ka. hahaha
Ayun, pabiro nalang ng konti para mawala rin ang pagiging awkward ng situation nya. Alam kong parang wala na talaga siguro siyang ibang naisip na mapag-uutangan. May pinagsamahan naman kami kahit papaano. At may trabaho na din naman ako.
300. Pwede ba ipadala mo nlng thru pawnshop? Salamat ha. 🙂
Edi ayun, kahit na maulan at may additional na babayaran pa para sa pag send ng pera, eh sinuong ko nlng. Napasubo na eh.
Ang ending, ginawa ko ng 500. Humirit pa kasi baka magkulang pa daw kasi wala na rin syang allowance sa school. (OO, nag-aaral pa sya.)
Heto ngayon, ang paniningil time.
Isa sa taboo na nahihirapan talaga akong pag-usapan eh kapag utang na ang topic.
ANG HIRAP MANINGIL!
Parang nakakahiya. Ewan, nahihirapan talaga akong singilin ang tao. Baka mapilitang magsinungaling ng : sa katapusan na lang ng buwan.
Heto, ang ending, ginagawa ko nlng early pamasko. Eh ang layo pa ng pasko.
Kadalasan naman, sila na tuloy ang hindi na masyadong nagpaparamdam. Yung parang iniiwasan na ako dahil may utang sila. Kaya, ako na ang nagbi break ng ice. Nangangamusta kung saan napunta ang pera at kumusta na sila.
In the end, nakukuntento nlng akong maisip na may napupuntahang mas maganda ang ipon ko. Kesa hanggang SAVE TO SPEND lang ako. Maski pa sabihin kong PERA KO ITO at karapatan kong gastusin ito, konsensya na rin ang hindi ibahagi ang meron ka sa lubos na nangangailangan.
__________
WARNING: Hindi po ako nagpapautang. NO CREDITS PLEASE!
Pumunta nalang kayo sa may pa LENDING dyan.