Natapos ang klase, nagsilabasan ang mga estudyante
Bitbit ang lalagyan ng baon, bag at naputol na tsinelas
Lumabas si Pitoy, basa ng pawis, madumi ang manggas
Hinanap niya ang kanyang ina, kumuha ng hopyang tinitinda
Gabi na.
Bakit ba ang tagal mo Pitoy? tanong ng kanyang ina
Sori po, sagot niya. Nakayuko ang ulo, may luha ang mga mata.
O siya, tara na. Putol ng ina.
Di man lang niya nasabing siya’y nabugbog, nagulpi ng ama.
_________
Marso. si Pitoy ay ga-graduate na,
Suot ang itim na pantalon, sapatos at puting toga
Dala ang isang ribbon, para sa escort sa pagmartsa
Di alam kung kanino ikakabit, mga magulang wala pa.
Naglakad siyang mag-isa, siya na rin mismo nagsabit ng medalya
Sabay pasasalamat sa mga taong tumulong sa kanya
Sa labinlimang minutong itinayo niya para sa kanyang mensahe
Valedictorian sana siya, wala rin kahit kanyang ate
Ni anino ng mga magulang wala.
Umuwi siyang nakayuko, nanlulumo
Galit sa pamilya, di niya naitago
Sa espesyal na araw na iyon, siya’y nag-iisa
Wala ang paghahandugan ng karangalan
Iyon sana’y kanyang sorpresa
Naglakad siya pauwi
iniwan mga kaibigang tuwang-tuwa nagsasaya
Nang marating ang bahay, tahimik walang tao
Nasaan ba sila, kanyang napagtanto
Iniwan na kaya nila ako?
Bukas ang pinto
May saging sa kaldero, niluluto
Isang baldeng tubig ang natumba
Putik sa bakuran, kulay pula
Dali-daling pumanhik sa kubo
Doon nadatnan, ang inang nakayapos
Sa kanyang ate, kapwa humihikbi
Ang kanyang itay, isa ng bangkay.
Nagpuyos ang kanyang dibdib
Nang malaman ang ginawa ng ama
Ang kanyang ate, hinalay
Kaya ang ina dahil sa galit, pinatay.
Hinubad niya ang medalya
Isinabit sa kanyang ina
Sa wakas ay tapos na ang pagtitimpi
Wala na ang tinik, pighati.
mabigat at masakit sa dibdib, nakakalungkot isipin. ngunit mahusay ang paraan ng pagkasulat. simple pero diretso ang sibat sa puso.
salamat po. 🙂 wla pa ring kapantay ang mga storya niyo. hehe
Awww salamat din. 🙂